Binata Source: Tanay MPS

Binata pinagtulungan ng mag-ama, sinaksak ng BBQ stick, patay

Edd Reyes Feb 3, 2026
226 Views

DEDO ang 48-anyos na binata nang pagtulungan ng mag-ama habang sugatan din ang mga suspek matapos masaksak ng balisong na hawak ng biktima Linggo ng tanghali sa Tanay, Rizal.

Naisugod pa sa Tanay General Hospital si alyas “Joel”, 48, residente ng 18, Macarulay St. Brgy. Kay-Buto, Tanay, subalit idineklarang “dead-on-arrival” ng attending physician sanhi ng tinamong tama ng saksak sa leeg at dibdib.

Unang naaresto sa follow-up operation ng pulisya ang 50-anyos na si alyas “Jojo” habang nagpapagamot sa isang ospital dahil sa mga tinamong tama ng saksak sa braso, bibig, at balikat habang sa Pililla, Rizal naman naaresto ang anak niyang si alyas “Ulo” tricycle driver, na kapuwa residente rin ng Macarulay St. Brgy. Kay-Buto.

Sa pagsisiyasat ng Tanay Municipal Police Station, unang nagkaroon ng alitan si alyas Joel at alyas Ulo nang tanggihan ng huli ang utos ng una na ikabit ang natanggal na kadena ng kanyang motorsiklo.

Inambahan umano ng saksak ng biktima si alyas Ulo na dahilan para isumbong niya ito sa ama.

Alas-12:05 ng tanghali nang mag-krus ang landas ng biktima na armado ng balisong at alyas Jojo na armado ng stick ng barbecue sa Macarulay Street na humantong sa kanilang pagdu-duwelo hanggang dumating si alyas Ulo na tumulong sa pag-atake sa nasawi.

Nahaharap ang mag-ama sa kasong murder na isasampa ng pulisya habang tatayo bilang complainant ang nakatatandang kapatid na babae ng biktima na si alyas “Marie”, 52.

Pagtatanggol naman sa kanilang sarili o self defense ang depensa ng mag-ama bagama’t kapuwa sila humihingi ng tawad sa pamilya ng nasawing kalugar.