Sotto

Presiding officer di judge sa impeachment; buong impeachment court magpapasya — Sotto

152 Views

SINABI ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na “the Senate is always ready” sa impeachment trial, at may approved rules of impeachment na maaari umanong i-ratify muli sakaling makatanggap ang Senado ng articles of impeachment.

Ayon kay Sotto, nagpapabrief siya sa mga kaibigan niya sa hudikatura upang tumutok sa rules of evidence at rules on criminal procedures na aniya’y pinakamahalaga sa impeachment.

Binigyang-diin niya na kailangan malinaw ang pag-unawa sa rules of evidence dahil marami umanong magagaling na abogado ang sasabak sa paglilitis.

Sinabi niyang nagsimula ang mga briefing mga dalawang linggo na at may briefing pa siya kahapon. Tatlo aniya ang nagbe-brief sa kanya—dalawa mula sa Court of Appeals at isa mula sa Court of Tax Appeals.

Dagdag ni Sotto, dapat handa ang mga senador kung presiding officer man sila o hindi, at kapag presidente ang ini-impeach, ang Chief Justice ang nagsisilbing presiding officer.

Nilinaw rin niya na ang presiding officer ay hindi ang “judge,” at ang buong impeachment court ang magpapasya, kabilang ang pagdedesisyon sa mga objection sa paglilitis.

Ayon pa kay Sotto, malamang ay naghahanda rin ang ibang senador, at kahit hindi abogado, dapat alam ang mga impeachment rules sakaling umabot sa Senado ang isang impeachment trial.

Kung makarating sa Senado ang articles of impeachment, sinabi ni Sotto na irerekomenda niyang ituloy ang legislative work mula 9 a.m. hanggang 1 p.m. tuwing Lunes hanggang Miyerkules, at magsagawa ng impeachment court mula 3 p.m. pataas, Lunes hanggang Biyernes. Aniya, hindi dapat patagalin ang proseso dahil hindi ito patas sa publiko at sa taong sinasampahan ng kaso.

Sinabi rin ni Sotto na mahirap tantiyahin kung gaano katagal matatapos ang paglilitis dahil nakadepende ito sa presentation ng prosecution at defense.