Calendar
3 nagtatagong akusado sa CL nakorner ng CIDG
CAMP OLIVAS, Pampanga — Tatlong most wanted na indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na intelligence-driven operations sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa mga nagtatagong akusado sa ilalim ng Oplan Pagtugis, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay CIDG Regional Field Unit 3 chief Col. Grant Gollod, isinagawa ang mga operasyon mula Pebrero 11 hanggang 17 na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na nahaharap sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga at panggagahasa sa Bataan at Pampanga.
Noong Pebrero 12, inaresto ng pinagsanib na operatiba ng CIDG Bataan Provincial Field Unit at Hermosa police si alyas Maca, 44, vendor at residente ng Barangay Balsic, Hermosa, Bataan.
Ang suspek, na nakalista bilang No. 4 most wanted ng Police Regional Office 3 (PRO3), ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165) na inilabas ng Regional Trial Court Branch 5 sa Dinalupihan, Bataan.
Dinala ang suspek sa CIDG Bataan PFU para sa booking at dokumentasyon.
Sa hiwalay namang operasyon noong Pebrero 17, naaresto ng mga operatiba ng CIDG Angeles City Field Unit, katuwang ang Police Station 3 ng Angeles City police, si alyas Fer, 45, delivery driver, at residente ng Barangay Sapalibutad, Angeles City.
Ang suspek, na tinaguriang no. 3 most wanted sa PRO3 at Angeles City police, ay nahaharap sa kasong statutory rape sa ilalim ng Article 266-A(2) ng Revised Penal Code batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 61 sa Angeles City, kung saan walang inirekomendang piyansa.
Kasalukuyan siyang nakadetine sa custodial facility ng CIDG Angeles CFU habang hinihintay ang pag-usad ng kanyang kaso sa korte.
Samantala, noong Pebrero 11, inaresto naman ng CIDG Olongapo City Field Unit personnel, kasama ang Hermosa police, si alyas Ponce,50,sa Barangay Balsic, Hermosa, Bataan.
Nakatalaga siya bilang no. 4 most wanted ng Bataan police at nadakip batay sa warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act 9165.
Dinala siya sa CIDG Olongapo CFU para sa dokumentasyon at pansamantalang detensyon.
Sinabi ni Gollod na ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang patuloy na pagsisikap ng CIDG na matunton ang mga wanted na indibidwal at maipatupad ang mga kautusan ng korte.
“Nanatiling prayoridad ang Oplan Pagtugis upang matiyak na maihaharap sa hukuman ang mga nagtatagong akusado at mapanagot alinsunod sa batas,” aniya.

