BARMM

Srn. Ping nagpanukala ng batas na sususog sa BARMM polls

124 Views

IMINUNGKAHI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang pagsusog sa panukalang batas na tutugon sa isyung konstitusyonal kaugnay ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nilinaw ni Lacson na hindi niya tinututulan ang panukala ngunit nais tiyakin ang pagsunod nito sa mandato ng Saligang Batas hinggil sa synchronized elections.

“At the outset, let me clarify that I am not objecting to the measure under consideration. Rather, this is a manifestation of concern, particularly on a potential Constitutional infirmity,” sabi ni Lacson.

Itinatakda ng Senate Bill 1823 ang halalan sa BARMM sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026 at tuwing ikatlong taon pagkatapos nito.

Binanggit ni Lacson ang desisyon ng Korte Suprema noong 2011 sa Abas Kida vs. Senate of the Philippines (G.R. No. 196271, Oktubre 18, 2011) na nagpatibay sa konstitusyonalidad ng pagsasabay ng halalan sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pambansa at lokal na eleksyon.

Sa naturang desisyon, pinagtibay ang RA 10153 na naglipat ng halalan sa ARMM mula Agosto 8, 2011 patungo sa ikalawang Lunes ng Mayo 2013 at tuwing ikatlong taon pagkatapos nito alinsunod sa polisiya ng sabayang halalan.

Ipinaliwanag niya na inaamyendahan ng panukala ang Section 13, Article 16 ng RA 11054 o ang BARMM Organic Law sa pamamagitan ng pagtatakda ng halalan tuwing ikalawang Lunes ng Setyembre simula 2026.

Sinabi ni Lacson na maghahain siya ng pagsusog sa period of amendments upang matugunan ang isyu ng synchronization.

Iminungkahi rin niya ang pagpapalawig ng termino ng mga kasalukuyang opisyal ng BARMM kung sa Setyembre 2026 isasagawa ang halalan.

“Let them extend their term of office until June 30, 2031,” aniya.

Sang-ayon si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri sa panukalang ito.