Calendar
WFH tuwing Lunes sa QC ipatutupad
IPATUTUPAD sa Quezon City ang work from home (WFH) arrangement tuwing Lunes para sa mga non-frontline na departamento at empleyado bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiniyak ng lungsod na mananatiling bukas ang lahat ng serbisyo mula Lunes hanggang Biyernes alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon upang masiguro ang walang patid na serbisyo sa mga QCitizens.
Matapos ang konsultasyon sa iba’t-ibang departamento, mananatiling operational ang mga essential, vital at frontline offices para sa serbisyong pangkalusugan, kapayapaan at kaayusan, serbisyong panlipunan, at mga transaksyon sa negosyo at buwis.
Ang lahat ng internal meetings ay gagawin sa pamamagitan ng virtual platforms, habang pansamantalang ipagpapaliban ang mga onsite seminars at training activities hanggang sa magkaroon ng bagong abiso.
“Batid namin na hindi dapat maantala ang serbisyo ng pamahalaang lungsod. Kahit na ipatupad ang isang araw na work-from-home arrangement, bukas at available ang aming mga programa at serbisyo para sa mga residente,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Hinimok din ni Belmonte ang mga residente na mas gamitin ang digital platforms ng lungsod.
Maaaring ma-access ng mga residente ang iba’t-ibang serbisyo ng lungsod tulad ng aplikasyon para sa scholarship, tulong pinansyal at permit application sa pamamagitan ng QC E-Services portal.
Samantala, magtatatag ang Human Resource and Management Department (HRMD) ng monitoring mechanism upang masiguro na ang mga empleyado sa ilalim ng work-from-home arrangement ay gaganap sa kanilang tungkulin.
