Tulong, ginhawa ng 4PH ni PBBM ibinahagi ng mga benepisyaryo

Jun I Legaspi Apr 27, 2026
57 Views

IBINAHAGI ng mga benepisyaryo ng Palayan City Township Project sa Nueva Ecija kung paano nagbigay ng pag-asa ang mababang hulog na bahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Apat na residential buildings sa Phase 1 ang natapos na at 198 pamilya na ang naninirahan sa lumalaking komunidad sa Brgy. Atate.

Dahil sa abot-kayang hulog, nagkaroon ng kakayahan ang mga benepisyaryo na tumigil sa pag-upa, maglaan ng mas malaking pondo para sa edukasyon at kalusugan at maranasan ang seguridad at dignidad ng pamumuhay sa modernong township.

“Ito po kasing pagkakapunta namin dito ay malaki ang impact sa amin… dati naming tirahan hindi naman sa amin yung lupa. Pero ito kasi, masasabi namin na sa amin na,” ayon kay Donna Ramos, 39, fish trade

Ayon naman kay Vincent Geronimo, 26, “big help po siya para yung mga normal Filipinos, hindi ganoong kabigat magkaroon ng sariling bahay na tatawagin mong home.”

“Sobrang malaking bagay, lalo na kung minimum wage earner ka… dito, habang maliit ang bayad mo… magkakaroon ka ng sarili mong bahay… Maraming salamat po kay Pangulo,” sabi ni Elsa Evangelista, 28, isang public school teacher,

Noong Huwebes, bumisita si Pangulong Marcos kasama si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling sa Palayan City Township Project upang makita ang progreso at kalagayan ng mga benepisyaryo.

“Dahil sa dekalidad, disente, mas ligtas at abot-kayang pabahay na handog ni Pangulong Marcos Jr. sa ilalim ng Expanded 4PH, nagkakaroon ng dignidad, seguridad at inspirasyon ang ating mga benepisyaryo upang maging mas produktibong mamamayan,” sabi ni Secretary Aliling.

“Ang tunay na layunin ng Expanded 4PH ay hindi lamang makapagpatayo ng bahay, kundi makapagbigay ng pagkakataon sa bawat pamilyang Pilipino na mamuhay nang may dangal at bagong pag-asa.

Ang Palayan Township ay patunay na unti-unti na nating natutupad ang pangarap na ito para sa ating mga kababayan,” dagdag ng kalihim.

Matatapos ang Palayan City Township Project sa 2028.