Vic Reyes

P99.508M kinita ng BOC sa auction

Vic Reyes May 3, 2026
21 Views

Magandang araw sa ating mga kababayan, lalo na sa mga suki natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia. God Bless mga kabayan!

****

Isa sa revenue-generating programs ng Bureau of Customs (BOC) ay ang pagsubasta sa mga abandonado, kumpiskado at forfeited na shipments.

Kailangang maisubasta agad ang mga shipments para makalikom ng pondong itutustos sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa taong ito ay umabot na sa P99.508 milyon ang pumasok sa kaban ng bayan bunga ng pagsubasta sa forfeited, abandonado at kumpiskadong shipments.

Nitong Abril 28, naibenta sa pamamagitan ng public auction ang isang 2023 Rolls Royce Phantom sa halagang mahigit P25.5 milyon.

Ang pagsubasta ay isinasagawa ng BOC Auction and Cargo Disposal Division (ACDD).

Ayon sa ahensiya, ang lumalaking proceeds “reflects the agency’s sustained efforts to maximize the value of forfeited goods and contribute to BOC’s revenues.”

Sa isang pahayag, inulit ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang kahalagahan ng “transparent mechanisms” sa pagsagawa ng public auction.”

Hinikayat din niya ang publiko na sumali sa mga isinasagawang pagsubasta ng mga shipments.

***

Ang 19 na motor vehicles ng Discaya family ay nasa kustodiya na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) “for tax investigation.”

“The Bureau of Customs (BOC) turned over to the BIR the custody of the said vehicles after completion of customs enforcement actions.”

Ang 19 na behikulo, na link sa Discaya family, ay kasama sa 32 motor vehicles, na inilagay sa custody ng BOC noong Setyembre 2025.

Dahil nakitaan ng paglabag sa customs laws, ang 13 forfeited, kalaunan ay ipinagbili sa pamamagitan ng public auction.

Naibenta ang 13 sasakyan ng P102 milyon.

Ang natitirang 19 sasakyan ay nakumpirmang may full compliance “with applicable importation requirements.”

At noong Abril 29 ay nakatanggap ang BOC ng order mula sa BIR na i-release na ang mga nasabing sasakyan at ibigay sa BIR “for tax investigation and collection proceedings.”

Pinasalamatan naman ni BIR Commissioner Martin Mendoza ang BOC sa tulong nito para maimbestigahan ang 32 motor vehicles.

Sinabi naman ni BOC Commissioner Nepomuceno na: “With customs proceedings completed, the release of these vehicles allows the BIR to carry forward its investigation.”

***

Marami na ang naghihintay sa pagdating sa Senado ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Gusto ng publiko na marinig ang depensa ni VP Duterte dahil ni minsan ay hindi man lang siya sumipot sa House of Representatives hearings.

Mabibigat ang mga kasong ibinabato laban sa kanya pero hindi natin maintindihan kung bakit sa media siya nagsasalita.

Marami tuloy ang nagsasabi na takot siyang humarap sa mga kongresista.

Kaya sana humarap siya sa mga senador upang pasinungalingan ang mga bintang sa kanya.

Kailangan matuloy na ang impeachment trial sa Senado para matuldukan na ang issue na ito.

(Para sa iyong komento at pagbati, mag-text sa #09178624484/email: philipreyes08@yahoo.com)