MMDA

MMDA inaayos bangketang ‘di makakasira sa kalikasan sa C5

Edd Reyes Jul 2, 2026
37 Views

SINIMULAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Martes ang pagsasaayos ng bangketa sa C-5 Road na hindi makakasira sa kalikasan sa Pasig City.

Ang rehabilitasyon sa tinatayang 3 kilometrong bangketa mula Ortigas Avenue hanggang Bagong Ilog sa Pasig City ay isinakatuparan, katuwang ang Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Pasig, gamit ang maka-kalikasang materyales mula sa recycled na salamin at plastic na nakolekta sa mga daluyan ng tubig.

Binuo ang mga ito bilang mga bloke o bricks ng mga kawani ng MMDA sa Integrated Solid Waste Management Processing Facility sa Vitas Pumping Station sa Vitas, Tondo, Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, inilunsad nila ang proyekto na layong mapagbuti ang nilalalakarang bangketa na nakatutugon pa sa pananatili ng kalikasan at makakabawas pa sa pagbaha sa Kamaynilaan.

Sa pamamagitan aniya ng maka-kalikasang imprastraktura, makakatulong ito upang mapigilan ang pagbaba ng lupa dahil sa halip na sa drainage pupunta ang tubig-ulan, sisipsipin ito ng nakalagay na bricks patungo sa lupa na makakatulong pa para mapigilan ang pagbaha.

Nagpahayag ng suporta sa proyekto si Pasig City Mayor Vico Sotto at kanyang inilarawan na solusyon para sa maayos na bangketang malalakaran sa Metro Manila.