Edd Reyes

Pagbawal sa inuman sa lansangan, etc.,. umani ng positibong reaksyon

Edd Reyes Apr 8, 2026
131 Views

UMANI ng positibong reaksiyon ang direktiba ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa pagpapaigting ng umiiral na ordinansa na nagbabawal ng pag-iinuman ng alak sa mga lansangan sa Kamaynilaan.

Bukod dito, huhulihin na rin ang paglabas sa lansangan ng walang pang-itaas na damit, pati na ang pagpapairal ng curfew sa mga menor-de-edad at pagbabawal sa videoke o aumang uri ng instrumentong lumilikha ng malakas na ingay ng lagpas ng alas-10 ng gabi.

Sa Metro Manila lamang muna paiigtingin ng husto ang kautusan pero tiniyak ng Kalihim na ipatutupad na rin ito sa mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa..

Kapag nangyari ito, tiyak na apektado ang raket nina alyas “Shornak” at alyas “Ricky” na may hawak ng mga ilegal na sugalan sa mga mini-carnival sa maraming bayan sa Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, at Tarlac.

Sa gabi kasi ang operasyon ng mga peryahan at hindi kaila na ang ingay na likha mula rito ay nakakabulahaw sa mga kabahayang nasa paligid at higit sa lahat ay ang pagdagsa rito ng mga menor-de-edad na nahuhumaling sa sugal na color games.

Kapag ipinatupad na ito sa buong bansa, tiyak na magiging abala na ang mga tauhan ni Police Regional Office (PRO) Director P/BGen. Jess Mendez sa panghuhuli sa lalabag dito at hindi malayong mabisto nila ang mga ilegal na sugal sa mga mini carnival.

Sa ngayon kasi bukas na bukas ang mga ilegal na color games sa mga peryahan sa mga bayan ng Baliwag, Pandi, at Marilao, sa lalawigan ng Bulacan na ang mga operator ay sina alyas “Manny”, “Bong” “Eddie”, at “Carlo” habag sa Nueva Ecija ay may puwesto rin sina alyas “Andy”, “Ariel”, “Mariel”, “Daisy”, “Bonjing” at “Nelma” sa mga bayan ng Sta Rosa, Bongabon, San Jose, Talavera, at Rizal.

Nagkalat din ang peryahan sa lalawigan na Pampanga tulad sa mga bayan ng Mexico, Florida Blanca, Masantol, Sta Rita, “Candaba at maging sa Lungsod ng San Fernando na ang mga operator ay sina alyas “Lala”, “Dandan”, “Ellie”, “Elmer”, “Ram”, “Lorie”,”Janice” at “Normita, habang sina alyas “Eugene” at “Jingjing” ay kontrolado ang mga bayan ng Ramos, Camiling, at San Clemente sa Tarlac.

Tuloy o hindi na paglilitis kay ex-Pangulong Duterte, inaabangan

SA darating na Abril 22, ilalabas na ng International Criminal Court (ICC) ang inihaing apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa hurisdiksiyon ng naturang hukuman sa kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.

Nauna na kasing ibinasura ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang naturang petisyon nang igiit na sakop pa ng kapangyarihan ng ICC ang mga krimeng nagawa ng dating Pangulo noong 2011 pataas kung saan miyembro pa ang Pilipinas ng ICC bago bumitaw noong 2019.

Kapag ibinasurang muli ng ICC ang apela, tiyak na magbubunyi ang pamilya ng mga nabiktima ng extrajudicial killings (EJK) pero kapag kinatigan naman ang hirit ng kampo ni Duterte, ang mga taga-suporta naman niya ang magbubunyi, sampu na rin ng kanyang pamilya.

Yan ang kagandahan kung independent o may kalayaan ang hukuman at maging mga tagausig sa paghawak ng napakabigat na kaso dahil may nakikitang pag-asa ang magkabilang panig.

Ano kaya kung dito sa Pilipinas nilitis sa mga kaso ng EJK ang dating Pangulo? Katulad din kaya ng paglalatag ng mga ebidensiya ng mga Prosecutors sa ICC ang gagawin ng ating mga Tagausig? Kung sakaling ganito rin, magiging parehas din kaya ng mga hukom sa ICC ang pasiya ng korte sa Pilipinas? Nagtatanong lang naman.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com