Edd Reyes

Pasyente sa NCMH may salmonella?

Edd Reyes Jun 17, 2026
28 Views

KAKAMBAL na yata noon pa man ng intriga at kontrobersiya ang National Center for Mental Health (NCMH) na dahilan para pati pangalan ng kanilang matataas na opisyal ay nakakaladkad.

Ilan lang sa mga kontrobersiyang bumalot sa NCMH ang nangyaring pagkamatay noong taong 2012 ng pasyenteng dumaranas ng pagkawala sa sarili na dulot ng paggamit ng ilegal na droga at ang pagpaslang sa 27-anyos na lalaking pasyente at sa kanyang lola ng sarili niyang lolo habang nasa loob ng pagamutan noong 2019 na kalaunan ay nagbaril din sa sarili ang suspek.

Noon namang taong 2020 inakusahan ang dating Administrative Officer head ng NCMH na utak umano sa pagpatay sa Medical Center chief at driver nito na inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi lang mga kaso ng pagpatay nasangkot sa kontrobersiya ang mga opisyal ng NCMH kundi maging sa isyu ng korapsiyon sa loob ng pasilidad na humantong pa sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman noong taong 2019 hanggang 2020.

Kaya nang umugong ang usap-usapan hinggil sa umano’y pagkakaroon ng salmonella bacteria ng ilang pasyente, wala isa mang nangahas na kaanak ang magreklamo sa pangambang mauwi lang ito sa wala at pag-initan pa ang kanilang kaanak na nasa loob ng NCMH.

Ang salmonella bacteria ay nakukuha sa pagkain ng halos nabubulok ng karne at iba pang kontaminado ng frozen foods na matagal na naka-imbak.

Sana naman ay tsismis lang ito dahil kung totoo, kawawa naman ang mga pasyente na wala na nga sa matinong pag-iisip, maaapektuhan pa ang kalusugan.

Comelec gugugol ng halos P200M sa special election

NAG-ANUNSIYO na ang Commission on Election (Comelec) sa idaraos na special election sa Dasmariñas, Cavite para sa nabakanteng posisyon ni Congressman Kiko Barzaga na pinatalsik ng mga kasamang mambabatas bunga ng kawalang-galang at hindi kaaya-ayang pag-uugali.

Itinakda na nga ang special election sa Agosto 29, 2026 na gagastusan ng Commission on Election (Comelec) ng halos P200 milyon, at sa naturang halalan, puwede pa ring tumakbo si Barzaga dahil hindi naman siya pinatawan ng perpetual disqualification.

Kapag nagpasiya si Barzaga na muling tumakbo, may posibilidad siyang manalo kung ang pagbabatayan ay ang malaking bilang ng kanyang mga supporters at followers sa social media kaya kapag nahalal muli, eh di balik na naman siya sa Kongreso na nagpatalsik sa kanya.

May mga nagmungkahi na sana raw ay magtalaga ng lang ng caretaker ang House Speaker sa nabakanteng posisyon ni Barzaga para hindi na magwaldas ng malaking pera sa special election lalu’t dalawa pang halalan, ang Barangay at SK election at ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary election ang pinaghahandaan ng Comelec.

Pero sa ilalim ng Article VI, Section 9 ng Saligang Batas, dapat na itakda ang special election kung nabakante ang posisyon ng higit sa isang taon bago ang susunod na regular na halalan kaya kahit magtalaga ng caretaker, pansamantala rin lang ito hangga’t hindi naidaraos ang espesyal na halalan.

Kaya kung sakaling tumakbo at manalong muli sa kanyang distrito si Barzaga, para lang nagtapon ng halos P200 milyon na pera ng taumbayan ang Comelec na malaking tulong na sana sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com