Calendar

BIR pinarangalan PNP sa pagbabayad ng buwis
ISA ang Philippine National Police (PNP) sa mga ahensya ng gobyerno na top government withholding agents sa nakalipas na taon.
Sa kick-off ng BIR 2025 RR7 tax campaign sa Quezon City, tumanggap ng parangal ang PNP sa pamumuno ni General Rommel Francisco D. Marbil mula sa BIR.
May temang “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat,” layunin ng taunang tax campaign na ipaalala sa mga taxpayer ang tamang paghahain ng income tax return at hikayatin silang magbayad bago ang itinakdang deadline.
Binibigyang-diin nito ang malaking papel ng pagbabayad ng buwis sa pagpapatayo ng imprastraktura, pagpapalakas ng edukasyon at iba pang mahahalagang programa ng gobyerno.
Ang event alinsunod sa economic agenda ng administrasyon na binibigyang-diin ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan kanyang ipinanawagan ang pagiging mas epektibo at transparent sa pangongolekta ng buwis upang mapanatili ang pag-unlad ng bansa.
Tinanggap ni PNP Finance Service director, Brigadier Gen. Ross C. Alvarado ang parangal mula sa BIR.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Commissioner BIR Romeo Lumagui ang lahat ng taxpayers sa kanilang kontribusyon.
Sa kanyang mensahe, muling binigyang-diin ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng pagbabayad ng tamang buwis at ang suporta ng PNP sa adhikain ng gobyerno:
“Buong suporta ang PNP sa tax collection efforts ng ating gobyerno dahil ito ay direktang nakakatulong sa kapakanan at seguridad ng ating bayan,” sabi ng PNP chief.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño, patuloy ang pulisya sa pagsasagawa ng good governance at transparency hindi lang sa larangan ng law enforcement kundi maging sa pagtulong sa kaunlaran ng ekonomiya ng bansa.