Calendar
2 drug suspect nasamsaman ng baril, shabu sa Bataan bust
ARESTADO sa entrapment operation ang dalawang drug suspect noong Huwebes at nakuha sa kanila ang isang baril at shabu na nagkakahalaga ng mahigit P400,000 sa Abucay, Bataan.
Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ni Bataan police Acting director Col. Marites Salvadora ang mga suspek na sina alyas Amer, 31, negosyante na naninirahan sa Samal, Bataan; at alyas Salen, 40, construction worker na residente ng Orani, Bataan.
Naglunsad ng operasyon ang magkasanib na elemento ng Bataan PIU sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Col. Roldan Gallano at mga operatiba ng SDEU ng Abucay police sa ilalim ni Maj. Gerald John Bautista na may koordinasyon ng PDEA RO3 sa mga suspek sa Bgy. Mabatang, Abucay na nagresulta sa pagkakakumpiska ng tatlong maliliit na plastic sachet at dalawang malalaking plastic na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P469,200, isang .38 revolver na kargado ng apat na bala at ang marked money.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 ang dalawang suspek.