Bro. Marianito Agustin

Huwag kang mag-alala si Lord ang bahala (MATEO 6:24-34)

556 Views

Tinapay ng buhay“Ngunit pagsikapan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay ng ayon sa kaniyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo.” (MATEO 6:33)

MAY mga nagsasabi na sa ating kasalukuyang panahon, ang nagpapa-ikot daw sa ating mundo ay “pera”. Maaaring ito ay tama at puwede rin naman na ito ay mali, depende na lamang sa pagtanggap ng isang tao sapagkat mayroon tayong kaniya-kaniyang pananaw.

Kinakailangan nating mag-trabaho ng mabuti at magsikap para kumita ng pera upang matustusan ang ating mga pangangailangan. Wala naman sinasabi ang Bibliya na masama ang kumita ng pera o kaya naman magtrabaho para kumita ng pera.

Hindi masama ang pera. Ang masama ay ang labis na pagkabagabag ng mga tao para lamang kumita ng pera. Sukdulang ipagpalit na niya ang Diyos sa salapi at sukdulang gumawa na siya ng mga illegal na gawain para lang magka-pera.

Ito ang mensaheng nais ituro ng Mabuting Balita (MATEO 6:24-34) tungkol sa “Diyos at Kayamanan”. Kung saan ilan sa atin ang labis na nababalisa at nababagabag sa salapi, materyal na bagay at iba pang kayamanan na inaalok ng ating mundo.

May ilan sa atin ang hinahayaan ang kanilang sarili na ma-stress nang dahil sa pera. Masyado silang nag-aalala kung saan at paano sila kikita ng pera, hindi lamang basta simpleng kumita ng pera kundi magkamal ng limpak-limpak na salapi. Tama pa ba ito?

“Kaya’t sinasabi ko sa inyo huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain at inumin na kailangan ninyo upang mabuhay o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa sa damit?” (MATEO 6:25).

Nakakalungkot isipin na ilan sa ating mga kapatid ang mas malaki pa ang pananampalataya sa pera kaysa sa kapangyarihan ng Diyos. Kung kaya’t may mga pagkakataon na halos wala na silang panahon para sa ating Panginoon at maging sa kanilang sariling pamilya. Mistulang umiikot ang kanilang buhay para kumita ng pera.

Tandaan lamang natin na isubsob man natin ang ating sarili sa pagta-trabaho para kumita ng pera. Ang lahat ng iyan ay mababalewala kapag dumating na ang panahon na lilisanin na natin ang mundo dahil hindi natin iyan madadala sa ating patutunguhan.

Hindi naman itatanong sa atin ng Panginoong Diyos kung magkano ang ating kinita sa mahabang panahon ng ating pagta-trabaho? Ang itatanong niya ay kung anong kabutihan ang ating nagwa habang tayo ay nasa ibabaw ng lupa.

MAG-INVEST TAYO PARA SA PUSO AT HINDI SA PERA:

HINDI minamasama ng Panginoon na magkaroon tayo ng investment dito sa ibabaw ng mundo para sa ating kinabukasan at para sa ating pamilya. Sa katunayan, ikatutuwa pa nga niya ito dahil ginagamit natin sa maayos ang mga “blessings” na kaniyang ipinagkaloob.

Ang sobrang pagkabagabag o pagkabalisa ng tao nang dahil sa kuwarta ang nagtutulak sa kaniya para siya ay maging gahaman. Hindi na siya nakukuntento kundi mas naghahangad pa siya ng mas malaking pera dahil akala niya ito ang totoong investment.

Tandaan lamang natin na mas matatandaan tayo ng mga tao sa ating pagpanaw dahil sa mga mabubuting bagay na nagawa natin habang tayo ay nasa lupa. Ito ang tatatak sa kanilang puso at isipan, pero ang mga salapi ng inimpok natin ay hindi nila maaalala. Basta’t ang alam lang nila ay mayaman tayo, hanggang duon lang.

Ang isang napakahalagang ‘INVESTMENT” na mas higit na kailangan nating pagsumikapan ay ang investment ng magagandang bagay na maiiwan natin dito sa mundo, ang investment ng ating mabuting asal at investment ng kawang-gawa para sa mga taong nagdarahop.

Ang ating pagninilay ay pinatutunayan ng Talinghaga ng “Mayamang Hangal” (LUCAS 12:13-21) tungkol sa isang lalakeng mayaman na na-invest ng napakaraming ari-arian sapagkat inaakala niya na ito ay isang “tropeo” o napakalaking achievement. Ang nakalimutan niya na ang totoong “ACHIEVEMNT” ay ang laman ng ating puso.

“At sinabi ni Jesus sa kanilang lahat. Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan”. (LUCAS 12:15).

Hindi ang pagiging mayaman ang magbubulid sa tao sa kapahamanan. Kundi ang kaniyang pagiging sakim at pagiging bulag at bingi sa mga taong nangangailangan. Ang magdadala sa atin sa kapahamakan ay ang sobrang pagkabalisa nang dahil sa kayamanan.

HUWAG MAG-ALALA DAHIL SI LORD ANG BAHALA:

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na hindi natin kailangang mabalisa at sobrang mag-alala nang dahil sa mga bagay na kailangan natin sa buhay kagaya ng materyal na bagay at iba pang kamayaman dail ito ay ipagkakaloob sa atin basta’t magtiwala lamang tayo.

Walang taong hindi nangangailangan ng pera. Kailangan natin ito sa pang-araw-araw. Subalit hindi natin kailangang mag-alala at mabalisa dahil nakikita naman ng Diyos ang ating mga pangangailangan.

Sikapin lamang natin ang gumawa at magtanim ng kabutihan habang tayo ay naririto sa ibabaw ng lupa. Tinitiyak ko na ipagkakaloob ng Panginoon ang lahat ng ating pangangailangan. Hindi manhid ang Diyos sa mga taong dumudulog sa kaniya para hingin ang kaniyang awa.

AMEN