Calendar
Vice Mayor Chie Atienza tiniyak suporta kay Mayor Isko Moreno
MALALIM, makabuluhan at may tapang ang kauna-unahang talumpati ni Vice Mayor Chi Atienza na sumasalamin sa pamana, serbisyo, at pamumuno sa pagbubukas ng sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila Lunes ng hapon.
Nagpahatid muna ng pasasalamat ang bise alkalde sa mamamayan ng Maynila sa ipinagkaloob sa kanyang tiwala at suporta, kasabay ng muling pagpapatibay sa pangakong pagkakaloob ng serbisyong may malasakit at katapatan.
Ginunita rin ni VM Atienza ang mga panahon noong bata pa siya kung saan lagi siyang kasama ng kanyang amang si dating Mayor Lito Atienza na noon ay bise alkalde pa sa session hall ng City Council at gayundin ng maging alkalde ng lungsod.
“Akala ko noong bata pa ako, ako ang paborito niyang anak dahil lagi niya akong sinasama sa tabi niya, ‘yon pala, ako ang napili niyang turuan para ituloy ang nasimulan niya sa Maynila. At noong panahon na sa tingin niya ay handa na ako, isang sinabi niya ang tumatak sa akin — ‘that the highest profession is that of public service,” pahayag ng bise alkalde.
Bilang presiding officer ng Konseho ng Maynila, hinimok ni VM Atienza ang mga konsehal na magkaisa, magtulungan, at maglingkod ng tapat sa mamamayan, kasabay ng pagtiyak na tutuparin niya ang pangakong tututukan ang kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, komunidad ng mga Muslim, LGBTQIA+ community, manggagawa at kabataan.
Bago ang pagtatapos ng talumpati, ipinahayag din ng bise alkalde ang buo niyang suporta sa mga plano, programa, at proyekto ni Mayor Isko Moreno kabilang ang pagkakaloob ng pangunahing serbisyo, pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho sa mga mamamayan.
Sa unang regular na sesyon, nagpamalas kaagad ng kumpiyansa sa pamumuno si VM Atienza nang ma-aprobahan ng mayorya ng Konseho ang resolusyon na nagdeklara sa Maynila sa ilaim ng State of Health Emergency na inakda ni Councilor Loisa Marie “Lady” J. Quintos-Tan at ang pagtalakay sa Ordinance No. 8773 o ang General Tax Amnesty na magbibigay ng amnestiya sa mga delingkwenteng taxpayers.

