Calendar
Romualdez buo ang suporta sa PH Dev’t Plan ni PBBM
MULING ipinahayag ni reelected Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin G. Romualdez ang buong suporta nito sa Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng inilabas na positibong resulta ng 2024 Statistical Indicators on Philippine Development ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Hulyo 21.
Batay sa ulat, bumaba ang food inflation mula 8.0% noong 2023 sa 4.5% noong 2024—katumbas ng pagbaba na 3.5 percentage points. Malinaw itong patunay ng unti-unting pagbuti ng sitwasyon sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
“These numbers clearly manifest the firm commitment of President Marcos to uplift the lives of our people. While we are pleased with these positive developments, a lot of work remains to be done to accelerate the pace toward achieving our President’s vision for a Bagong Pilipinas—where no one is left behind,” ani Romualdez.
Tiniyak ni Romualdez na mangunguna siya sa pagtalakay at pagpasa ng mga panukalang batas sa 20th Congress na layong mapababa pa ang inflation rate, mabawasan ang kahirapan, at mapalawak ang benepisyo ng paglago ng ekonomiya para sa lahat.
Aminado si Romualdez na marami pa ring pamilyang Pilipino, lalo na sa mga probinsya at low-income communities, ang hirap pa rin sa mataas na presyo ng pagkain.
“Food prices may have eased, pero para sa maraming Pilipino, pagkain pa rin ang pinakamalaking gastusin. Kaya’t dapat unahin ng 20th Congress ang pagpasa ng mga batas na makakapagpababa pa ng presyo at makakagawa ng pagkain na abot-kaya at sapat para sa lahat,” ani Romualdez.
Handa umano siyang suportahan ang mga panukalang magbibigay ng mas matibay na suporta sa lokal na produksyon ng pagkain, pagpapalawak ng imprastraktura para sa cold storage at logistics, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamahala ng food supply chains.
Iginiit din niya na dapat i-modernisa ang mga ahensya ng pagkain at linawin ang kanilang gawain, lalo na kapag may kakulangan sa suplay na nagpapataas ng presyo.
Bukod sa food inflation, binigyang-diin ni Romualdez ang pagbaba ng unemployment rate mula 4.4% noong 2023 sa 3.8% ngayong 2024. Aniya, patunay ito na lumalakas ang job market, pero kailangan pang palawakin ang benepisyo nito para sa lahat.
“Trabaho ang daan sa ginhawa. Kailangan nating lumikha ng trabaho kung saan naroon ang mga tao, hindi ‘yung napipilitan silang lisanin ang kanilang mga tahanan para lang makahanap ng hanapbuhay,” ayon sa mambabatas.
Ayon kay Romualdez, hindi sapat na basta may trabaho—dapat ding tiyaking maganda ang kalidad nito. Kaya isinusulong niya ang mas madaling access sa tech-voc at digital training, at insentibo para sa mga kumpanyang lumilikha ng matatag na trabaho sa mga lalawigan.
Dagdag pa niya, mahalagang maisalin ang pambansang pag-unlad tungo sa mga lokal na komunidad. Kaya’t dapat unahin ng Kongreso ang mga batas na magpapalakas sa public-private partnerships, magpapasimple ng mga proseso sa negosyo, at magpapalawak ng access sa kapital para sa small and medium-sized enterprises (SMEs).
“We need to legislate development that spreads, not concentrates,” aniya. “The goal is not just national growth but local opportunity.”
Iginiit din ni Romualdez ang kahalagahan ng paggamit ng datos sa paggawa ng mga makabuluhang batas. Aniya, mahalagang gabay ang mga statistics mula sa PSA upang malaman kung epektibo ang mga programa ng gobyerno, at tungkulin ng Kongreso na isunod dito ang kanilang mga gagawin.
“Our job is to turn plans into laws—and laws into better lives,” wika niya. “Ang PSA ang nagsasabi kung nasaan tayo. Ang Kongreso ang kikilos para makarating tayo kung saan tayo dapat pupunta.”

