Holdaper

‘Holdaper’ ng mga babaeng pasahero ng MC taxi nakorner

Edd Reyes Oct 18, 2025
243 Views

TIKLO ang notoryus na holdup suspek na nambibiktima umano ng mga babaing pasahero ng motorcycle taxi nang magwala at maghamon ng away habang armado ng baril Sabado ng madaling araw sa Taguig City.

Nasa akto pa ng pagwawala habang armado ng hindi lisensiyadong kalibre .22 magnum revolver na kargado ng apat na bala si alyas “Anthony”, 26, nang datnan ng mga tauhan ni P/Capt. Darwin Salvador, hepe ng Station Investigation Section (SIS) ng Taguig Police Station dakong ala-1:25 ng madaling araw sa kanto ng San Isidro Street at Sanga Ville, Barangay Sta. Ana.

Hindi na pumalag ang suspek nang palibutan siya ng mga pulis at kumpiskahin ang bitbit niyang baril.

Nang isailalim sa pagsisiyasat, tumugma ang kanyang katauhan sa anyo ng suspek na kumakalat sa social media na nagpapanggap na motorcycle taxi rider at nanghoholdap sa mga pasaherong babae na nagpapa-book sa mga lehitimong ride hailing app.