Momo

Rep. Momo nababahala sa mga road rage

Mar Rodriguez Dec 29, 2025
324 Views

Iπ—žπ—œπ—‘π—”π—•π—”π—›π—”π—Ÿπ—” ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo, Sr. ang mga kaso ng “road rage” kung saan maraming barumbadong motorista ang nasangkot sa pananakit, walang habas na pagmumura at lantarang gulpihan sa kalsada.

Hinihikayat ni Momo ang Land Transportation Office (LTO) na lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa mga basagulerong draybers na madaling mag-init ng ulo.

Partikular na ikinabahala ni Momo ang viral videos ng mga motorista na nahagip mismo ng camera habang sila ay nakikipag-away, nakikipag-suntukan at nakikipag-murahan sa mga kapwa nila drivers bago mag-Pasko.

Sinabi ni Momo na normal lamang na magkaroon ng hindi pagkaka-intindihan sa kalsada sa pagitan ng mga motorista dulot ng tinatawag na “holiday rush.”

Subalit pagbibigay diin ng mambabatas na ang hindi normal ay ang mangyari ang kaganapang ito sa mismong bisperas ng Pasko at mauwi sa sakitan, suntukan at murahan.

Paliwanag pa ni Momo na ang nakakabahala umano dito ay ang kawalan na ng pasensiya ng mga motorista.

“This is alarming kasi sa maliit na bagay ay madali na agad mag-init ang kanilang ulo.

Imbes na pag-usapan ang kanilang hindi pagkaka-intindihan, idinadaan na agad nila sa sakitan, suntukan at murahan,” ayon kay Momo.