Garcia Inihayag ni PMajor Dave Garcia, hepe ng MPD Homicide Section, ang nangyaring pamamaril sa magbayaw sa pinagtatrabahuhang warehouse sa Palanca Street, Quiapo, Manila, na sapul sa kuha ng CCTV.

1 patay, 1 kritikal matapos di magbayad ng delivery fee

Jon-jon Reyes Jan 4, 2026
190 Views

DEAD on the spot ang isang lalaki habang kritikal sa pagamutan ang isa pa matapos pagbabarilin ng magkapatid na suspek dahil lamang sa hindi pagbayad ng delivery fee ng mga biktima, Biyernes ng hapon sa loob ng isang warehouse sa Palanca Street, Quiapo, Manila.

Kinilala ang 32-anyos na biktimang idineklarang patay na isang helper, may asawa at naninirahan sa Islamic Center, Barangay 648, San Miguel, Quiapo.

Ang 35-anyos na binatang biktima ay nakatira rin sa Islamic Center, Brgy. 648, San Miguel, at nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan kaya ginagamot siya sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.

Ayon kay Police Major Dave Garcia, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), bandang 3:45 ng hapon nang mangyari ang pamamaril sa may Carlos Palanca Street, Brgy. 648, San Miguel, na sakop ng Barbosa Police Station 14.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek na 32-anyos na driver ng Foton van na Lalamove, may asawa at nakatira sa Basa Compound, Zapote, Las Piñas; at 36-anyos na helper ng trak na may asawa at naninirahan sa Llano, Brgy. 167, Caloocan City.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng MPD Barbosa Police Station, sa pangunguna ni PLt. Col. Ceciro M. Pura, kasama ang isang 52-anyos na testigo na isang delivery boy at tumutuloy sa nabanggit na address ng suspek mula sa pinapasukan na establisimyento.

Pagdating sa nasabing lugar ng unang suspek, kusang nagbigay ng impormasyon ang misis nito kaugnay sa kinaroroonan ng kanyang mister. Ang team, kasama ang testigo at ang asawa ng suspek, ay kaagad na tumuloy sa Batangas Port.

Pagdating doon, araw ng Sabado bandang alas-7:45 ng umaga, nakita ang suspek sa loob ng Batangas Port at positibong kinilala ng testigo na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Pagkatapos nito, dinala ang naarestong suspek sa Justice Jose Abad Santos General Hospital para sa medikal na pagsusuri, bago itinurn-over para sa imbestigasyon.

Sa patuloy na follow-up operation, noong Enero 3 bandang alas-3 ng hapon ay boluntaryo namang sumuko ang ikalawang suspek at ibinigay ang baril na ginamit sa krimen sa Barbosa Police Station para sa imbestigasyon.

Ayon naman sa MPD Homicide Section, nag-ugat ang alitan sa hindi agad pagbayad ng delivery fee ng mga biktima sa mga suspek, kung kaya nauwi sa pamamaril na ikinasawi ng isang biktima.

Inihahanda ng tanggapan ng MPD ang kasong kriminal base sa Revised Penal Code Artikulo 248 (Pagpatay sa pamamaril) at Artikulo 248 kaugnay ng Artikulo 6 (Frustrated murder by shooting) na isasampa laban sa mga suspek sa Office of the City Prosecutor ng Manila.