Calendar
Busway lane rehab sa EDSA natapos na
INANUNSYO ng Department of Transportation (DOTr) na tapos na noong Lunes ang rehabilitasyon sa inner busway lane mula sa Roxas Boulevard hanggang sa Orense sa EDSA.
Bumalik na sa normal ang operasyon sa lane matapos ang asphalt overlay na bahagi ng EDSA Rehabilitation Project.
Nagpasalamat ang kalihim ng Transportasyon na si Giovanni Lopez kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mabilis na pagtapos ng rehabilitasyon:
“Nagpapasalamat tayo sa DPWH sa pamumuno ni Sec. Dizon dahil mabilis nilang natapos itong rehabilitation works sa busway lane,” sabi ni Lopez.
Napansin ng mga pasahero at tsuper ang mas maayos na biyahe at mas mabilis na oras ng paglalakbay sa bagong ayos na lane.
Ang rehabilitasyon ng EDSA ay inaasahang magdudulot ng mas ligtas, mas maginhawa, at mas komportableng karanasan sa pagbiyahe.
“Bawal pong dumaan ang private vehicles sa EDSA busway. ‘Yan po ang paulit-ulit nating paalala.
Laging nakabantay ang mga tauhan natin sa SAICT para hulihin ‘yung mga private vehicles na dumadaan sa busway at tuloy-tuloy din ang MMDA sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy,” sabi ni Lopez.
Sinuri ng mga opisyal mula sa DOTr, DPWH, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kabilang si MMDA General Manager Nicolas Torre III, ang mga busway station kahapon upang matiyak ang kahandaan sa pagbabalik ng normal na operasyon.
Samantala, magpapatuloy ang pagkukumpuni sa ibang bahagi ng EDSA sa limitadong oras mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko sa araw.

