Yosi

Ilegal na yosi nakuha sa 4 na suspek na tirador

Bernard Galang Feb 10, 2026
158 Views

TARLAC CITY–Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na lalaki at nasamsam mula sa kanila ang tinatayang P1.7 milyong halaga ng peke at hindi rehistradong sigarilyo sa Brgy. Tibag, Tarlac City noong Linggo.

Isinagawa ang operasyon sa isang bahay sa Brgy. Tibag at kinilala ang mga suspek na sina alyas Batista, 60; Sami, 38; Prado, 36; at alyas Beno, 35.

Naaresto ang mga suspek habang umano’y nagbebenta ng peke at hindi rehistradong produktong tabako sa isang undercover na pulis.

Pinangunahan ang operasyon ng CIDG Bulacan Provincial Field Unit katuwang ang CIDG Tarlac police.

Nasamsam ang 20 master case ng Fort Menthol, isang master case ng “Modern Lights,” mga kahon na naglalaman ng mga “Fortune Lights” at P800,000 marked money.

Nasamsam din ang 46 master cases ng Fort Menthol at 19 master case ng “HP Red.”

Tinatayang umaabot sa P1,739,600 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na ebidensya.