Calendar
2 bangkay na sunog nakuha sa Nueva Ecija
PEÑARANDA, Nueva Ecija–Dalawang sunog na bangkay ang natagpuan ng mga awtoridad sa nasunog na kotse noong Lunes sa Brgy. Sinasajan ng bayang ito.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Jess Mendez, unang nakita ang nasusunog na pulang Toyota Wigo (DAR 7847) ng mga awtoridad sa harap ng Leong Hup Farm.
Matapos maapula ang sunog, nakita ang sunog na bangkay ng lalaki at babae sa loob ng sasakyan.
Matindi ang pagkasunog ng mga katawan ng biktima kaya hindi na nakilala.
Sinimulan na rin ng mga intelligence operative ang pagsusuri sa mga kuha ng malalapit na closed-circuit television (CCTV) camera upang matunton ang galaw ng sasakyan bago naganap ang insidente.
Isinasagawa pa ang karagdagang forensic examination upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ang sanhi ng sunog sa kotse.
