Vic Reyes

BOC naka-focus sa income generation, paglaban sa korapsyon

Vic Reyes Apr 1, 2026
142 Views

MALIGAYANG araw sa ating mga mambababsa, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Endo Yumi, Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God bless sa inyong lahat!

***

Hindi nagpapa-apekto ang Bureau of Customs (BOC) sa mga kaguluhan sa mundo, kasama na ang giyera sa Middle East, at sa mga problema sa bansa.

Alam ng mga taga-BOC, na pinamamahalaan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na may kanya-kanyang trabaho ang mga opisina ng gobyerno.

Sa kaguluhan sa Gitnang Silangan, nandiyan ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang concerned state offices.

Sa nakahaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Kongreso ay nandiyan naman ang House of Representatives.

Nandiyan naman ang Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) na nakatoka sa mga kaso tungkol sa diumano’y anomalous flood control projects.

Kaya tama lang na naka-focus ang atensyon ng BOC sa kanilang pangunahing trabaho na revenue generation at paglaban sa korapsyon at ismagling.

Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay pinaigting nina Commissioner Nepomuceno ang kampanya laban sa illegal drugs.

Lalo na’t ang bulto ng mga kumakalat na ipinagbabawal na gamot sa bansa, kasama na ang shabu, ay nanggagaling sa labas ng Pilipinas.

Ang maganda ay nasasawata naman ng BOC ang pagpasok sa bansa ng mga iligal na droga.

Sa totoo lang, sa unang tatlong buwan ng taon (Enero, Pebrero at Marso), nakasakote ang BOC ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P1.865 bilyon.

Ang mga drogang ito ay nasakote sa iba’t-ibang ports of entry sa bansa, lalo na sa BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Ang BOC-NAIA ay headed by District Collector Yasmin O. Mapa, na isang abogada.

Ayon sa report, ito lang Marso ay nakasakote ang BOC-NAIA ng mahigit na P38 milyon na halaga ng illegal drugs na nakapaloob sa incoming cargo at mail.

Malaking tulong sa kampanya laban sa illegal drugs ang mga state-of-the-art na x-ray machines at K9 sa ports of entry.

Dahil nakikitaan ng suspicious images ang mga shipment ay binubuksan ang mga ito ng mga taga-BOC na sinasaksihan ng mga kinatawan ng partner-agencies.

Ang partner agencies ay kinabibilangan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Ang mga nasasakoteng illegal drugs ay naka-turnover sa PDEA for proper disposition and further investigation para malaman kung sinu-sino ang mga dapat kasuhan.

Dahil sa pagkakakumpiska ng mga ipinagbabawal na gamot sa mga ports of entry, maraming buhay ang naililigtas ng BOC at partner agencies.

***

Tapos na ang mga klase sa bansa.

Sabi nga ng isang bagong high school graduate ay “bakasyong grande” na naman, lalo na at panahon na ng tag-init sa Pilipinas.

Ang problema lang ay baka mabawasan ng malaki ang bilang ng mga taong pupunta sa beaches, resorts at iba pang tourist spots.

Grabe kasi ang itinaas ng presyo ng gasolina at iba pang essential commodities, kagaya ng bigas, dahil sa lumalalang giyera sa Middle East.

Okay lang siguro sa mga mayayamang pamilya, pero ang talagang apektado ay ang mga walang trabaho at mga ordinaryong empleyado lamang.

Ang mga mahihirap ay magtitiyaga na lang pumunta sa mga ilog para maligo, public plazas at air-conditioned shopping malls malapit sa kanila.

Hindi naman sila pupunta sa shopping malls para kumain kundi para lang magpalamig maghapon dahil sa tindi ng init sa labas.

Ang talagang kawawa dito ay ang mga batang wala man lang pambili ng halo-halo o pancit sa loob ng shopping mall.

Sa totoo lang, maraming magulang ang umiiwas mapadaan sa mga kainan dahil ‘yong ibang bata ay gusto talagang kumain.

Ganyan talaga ang buhay.

(Para sa komento at pagbati, mag-text sa # +63 9178624484)