Edd Reyes

Maraming kilay tumaas sa panukalang baguhin Senate Rules

Edd Reyes May 27, 2026
64 Views

MARAMI ang nagtaas ng kilay nang ihain ni Senator Rodante Marcoleta ang panukalang pag-amiyenda sa umiiral na Rules of the Senate na magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto na lang via video conference kung may makatuwirang kadahilanan.

Malinaw kasi na isa itong hakbang, hindi lang para makaboto kung sakali at may pagbabagong muli sa pamunuan ng Senado si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ngayon ay nagtatago sa batas, kundi upang makalahok din siya at makaboto sa impeachment trial ni VP Sara Duterte.

Naniniwala ang marami na kung babaguhin din lang ang Rules of the Senate, mas nararapat na amiyendahan ang pagbabawal sa mga Senador na tumanggap ng sahod kung hindi naman pumapasok, gaya ang ginawa ni Sen. Bato, na halos pitong buwang hindi pumasok pero patuloy na tumatanggap ng umaabot sa P300,000 buwanang sahod.

Kahit kasi ipagdiinan ni Sen. Bato na hindi nakarating sa kanya ang sahod at nahihiya siyang tanggapin ito kaya sinabihan niya ang staff na gugulin na lang sa pagbibigay ng tulong sa higit na nangangailangan, mahirap itong paniwalaan dahil tinatanggap naman ng kanyang staff at tseke at walang patunay na inilaan ito para sa pagtulong sa nangangailangan.

Kaya ngayon, nagtatanong ang marami kung ang ibinabayad daw ba ni Sen. Bato sa kanyang mga abogado para ipagtanggol ang kinakaharap niyang kaso ay galing sa tinatanggap na sahod mula sa buwis ng mamamayan lalu’t hindi naman niya nagagampanan ang kanyang tungkulin? Hindi raw ba parang ginigisa niya ang mamamayan sa sariing mantika?

Sa mga hindi pa nakakabatid, 10 sa mga malalapit na kaanak ni Sen. Bato ang nagta-trabaho sa kanyang tanggapan, kabilang ang dalawang anak niyang babae, isang kapatid na babae, tatlong pamangkin, dalawang bayaw, at dalawang hipag.na may kabuuang buwanang sahod na P905,519,00 puwera pa rito ang tinatanggap nilang allowance.

Hindi naman ito ipinagbabawal sa batas dahil karapatan niyang pumili ng mapagkakatiwalaang kawani, tulad ng iba pa niyang mga kasamahan, pero dahil hindi naman niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, may mga panawagan na buwagin na rin ang kanyang tanggapan sa Senado para makatipid ang pamahalaan.

Atty. Panelo binatikos sa pagmamaliit sa abogado ni Sen. Bato Dela Rosa.

TILA nag-boomerang kay Atty. Salvador Panelo ang aniya ay kapalpakan ng abogado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon sa paghahain ng legal na hakbang sa Korte Suprema.

Sabi kasi ng naging Presidential Legal Adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mali raw ang inihaing petisyon ni Atty. Torreon na writ of amparo, certiorari, prohibition, at Temporary Restraining Order (TRO) kaya ibinasura lang ito ng Korte Suprema.

Dapat daw ay writ of habeas corpus ang inihain ng abogado ni Dela Rosa sa Korte Suprema na pinaka-angkop daw na hakbang para sa legal na remedyo sa kinakaharap na kaso ng senador.

Kaya lang, umani ng katakot-takot na batikos kay Panelo sa social media ang pahayag dahil bakit hindi raw sa dating Pangulong Duterte niya ginawa ang hakbang para hindi nakulong sa The Hague ang dating pangulo?

Naungkat tuloy ng mga netizen ang mga kontrobersiyal na kasong hinawakan ni Panelo at kung ilan na ang kanyang naipanalo, pati ang tatlong ulit niyiang pagtakbo bilang Senador kung saan tatlong beses din siyang pinulot sa kangkungan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com