Binaril na 2 mekaniko sumakabilang buhay

Edd Reyes Jul 8, 2026
31 Views

PATAY ang dalawang mekaniko nang ratratin ng dalawang armadong suspek na nakatakas sa Taguig City.

Dead on the spot ang mga biktimang sina alyas Jose, 61, at Gerald, 25, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang mabilis na tumakas ang mga salarin, sakay ng pulang kotseng minamaneho ng kanilang kasabuwat.

Nakapagresponde ang mga pulis at hinabol ang mga salarin na aabutan sana sa C-5 Road, Kalayaan matapos maipit sa masikip na daloy ng trapiko subalit nakalabas kaagad ang mga ito sa kanilang sasakyan at inabandona ang kotse bago tumalon pakabila ng lansangan hanggang tuluyang makatakas.

Nakuha sa loob ng inabandonang kotse ang dalawang baril na hinihinalang ginamit sa krimen, certificate of registration at official receipt ng sasakyan at isang ID.

Batay sa ulat, nangyari ang insidente noon pang Martes ng nakaraang linggo sa Amihan St. Brgy. Ususan, Taguig na nahagip pa ng kuha ng CCTV sa lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng onsehan sa droga at agawan ng kanilang parokyano ang motibo ng pamamaslang.

Bago nangyari ang krimen, nakatanggap na umano ng pagbabanta ang mga biktima na uubusin ang kanilang pamilya subalit hindi ito sineryoso ng mga napaslang.