Biktima

13-ANYOS GINAWAN NG KALASWAAN NG 68-ANYOS NA TIYUHIN

Edd Reyes Aug 14, 2026
53 Views

SWAK sa selda ang 68-anyos na lolo nang ireklamo ang ginawa niyang kalaswaan sa 13-anyos na dalagitang pamangkin sa Taguig City.

Sa ulat ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonuevo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco,nangyari ang kahalayang ginawa ng suspek na si alyas RR dakong alas-11:40 Huwebes ng umaga sa loob ng kanilang tirahan sa Barangay Rizal.

Gumagayak na papasok sa eskuwela ang dalagita nang komprontahin ng kanyang tiyuhin at puwersahan umanong pinahubad ang suot na underwear bago isinagawa ang kahalayan.

Sa kabila ng naramdamang takot, nagawang makaalis ng bahay ang dalagita at isinumbong ang kahalayang ginawa sa kanya ng tiyuhin sa kaibigang babae at sa ina nito na silang humingi ng tulong sa opisyal ng barangay.

Inaresto naman kaagad ng mga tauhan ng Barangay Security Force (BSF) ng Brgy. Rizal ang suspek bago dinala sa Taguig Police Station para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Article 336 ng Revised Penal Code o Acts of Lasciviousness sa Taguig City Prosecutor’s Office.