OFW

Coordination isinasagawa ng DMW, DFA, PH consulate para sa pumanaw na Pinoys sa Germany bus accident

Jun I Legaspi Oct 2, 2026
32 Views

OFW1ANG Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) ay nagsagawa ng koordinasyon para sa mga Pilipinong nasawi sa aksidente ng tourist bus sa Bavaria, Germany noong Setyembre 27.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan ang DMW sa Berlin at Milan, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa DFA at Philippine Consulate General sa Frankfurt upang matiyak ang mabilis na pag-abot ng tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.

Dalawang Pilipino, kabilang ang isang overseas Filipino worker (OFW), ang kumpirmadong nasawi at 17 ang malubhang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa iba’t-ibang ospital sa Munich at timog Germany.

Ang DMW-OWWA at DFA ay nakikipag-ugnayan para sa repatriation ng labi at pagbibigay ng kaukulang suporta sa mga naulila.

Ang mga Philippine posts sa Germany at Milan ay mahigpit na nagbabantay sa kalagayan ng mga pasyente upang matiyak ang medikal na tulong, transportasyon, at repatriation kung kinakailangan.

Ang mga labor at consular officers ay direktang nakikipag-ugnayan sa German authorities, medical responders, at ospital para sa imbestigasyon at agarang pangangailangan ng mga biktima.

Magbibigay ng serbisyo ng legal counsel ang MWO Berlin at Milan, katuwang ang PCG Frankfurt at PCG Milan, upang matiyak na makakamtan ang hustisya ng mga Pilipinong naapektuhan.