Calendar
Hybrid buses inilunsad sa Bataan







MALUGOD na tinanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangunguna ni Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagdating ng mga hybrid passenger buses sa bansa.
Itinuring niya itong isa na namang malaking hakbang tungo sa makabagong at makakalikasan na pampublikong transportasyon sa Pilipinas.
Kasama ni Chairperson Mendoza si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez sa pagpuri sa inisyatiba ng Genesis Transport Inc. na magdala ng mga makabago at elektripikadong passenger buses sa bansa.
“Sa kasalukuyan, nakatuon ang usapan sa modern jeepneys kaugnay ng Public Transportation Modernization Program. Kaya naman, ang pagdating ng hybrid passenger buses ay tunay na magandang balita sa ating pagsisikap na gawing moderno at mas maayos ang pampublikong transportasyon,” ani Chairperson Mendoza.
“Sa paglulunsad ng mga hybrid buses na ito, masasabi ko talagang ‘sana all.’ Malaking tulong ito sa ating layunin na magkaroon ng makabago ngunit makakalikasan na pampublikong transportasyon.”
Ginawa ang paglulunsad noong Pebrero 12 sa Lungsod ng Balanga, Bataan, kung saan dumalo rin si Governor Jose Enrique Garcia III. Binigyang-diin ni Governor Garcia na mahalaga ang karagdagang serbisyo ng bus sa lalawigan dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga mamumuhunan at manggagawa sa economic zone ng Bataan.
Nagpasok ang Genesis Transport Inc. ng 10 yunit ng hybrid passenger buses na magseserbisyo sa mga biyaheng mula Balanga City, Bataan patungong Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at pabalik.
Matipid at Makakalikasan
Ang konsumo ng isang hybrid bus na 1 kilowatt ay katumbas ng 1 litro ng diesel. Sa kasalukuyan, ang halaga ng 1 kilowatt ay nasa ₱11 hanggang ₱13.50, samantalang ang presyo ng diesel ay higit ₱50 kada litro.
“Isipin na lamang ang matitipid sa operasyon, bukod pa sa mababang gastos sa maintenance,” ani Chairperson Mendoza.
Bukod sa pagtitipid, binigyang-diin din niya na ang paggamit ng ganitong uri ng bus ay may malaking positibong epekto sa pangangalaga at proteksyon ng kalikasan.
Suporta mula sa Pamahalaan
Ayon kay Chairperson Mendoza, nakatuon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa mga update kaugnay ng Public Transportation Modernization Program (PTMP), alinsunod sa kanyang layunin na higit pang paunlarin ang pampublikong transportasyon sa bansa upang ito ay maging kaantabay ng mga mauunlad na bansa.
Isa ang LTFRB sa mga pangunahing katuwang sa pagpapatupad ng PTMP, na kasalukuyang nakatuon sa route rationalization at unti-unting pagpapalit sa mga modern at electric jeepneys.
“Kami sa DOTr at LTFRB ay lubos na nasasabik sa proyektong ito dahil naniniwala kami na ang pagpasok ng hybrid passenger buses ay magiging gamechanger sa industriya ng bus transport sa bansa,” dagdag pa ni Chairperson Mendoza.
“Kumpiyansa kami na mas marami pang bus companies ang susunod at mamumuhunan sa electric passenger buses.”

