Edd Reyes

Opisyal na may kasong katiwalian di muna dapat tumanggap ng sweldo, benepisyo

Edd Reyes Jun 10, 2026
61 Views

SULIT ang malaking pondong inilaan ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), hindi lang dahil sa pinalawak na skills training at programang pang-kabuhayan, kundi sa pagpapaigting ng digital innovation.

Sa ilalim kasi ng pamumuno ni TESDA Secretary Kiko Benitez, swak sa mga nagbabalik-bansa na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang mga proyekto at programa ng ahensiya para makapagtayo ng negosyo at matuto ng iba’t-ibang kasanayan.

Noon lang Martes ng umaga, ipinagmalaki nina Secretary Benitez at Usec. Mon Ilagan ang mga makabago at malalaking training facilities sa loob ng TESDA Complex sa Western Bicutan, Taguig City sa mga dumalong miyembro ng media.

Kabilang sa mga training facilities ang Airconditioning Training, Café Juana na nagsasanay sa paggawa ng iba’t-ibang uri ng kape, tea, at Frappe, pasilidad sa pagtitimpla ng alak at bar training, plumbing, at iba pang kaalaman sa pagsasanay.

Ibinida rin ng kalihim ang inilunsad nilang digital innovation na dinisenyo upang maging accessible ang skills training, kabilang ang mobile all-in-one app, artificial intelligence (AI) training programs at pagpapabuti sa kanilang online training platform.

Nasa pinaka-buod ng repormang digital ang Skills Passport ng TESDA kung saan makukuha ang pag-upgrade sa pamamagitan ng eKYC o electronic Know-Your-Customer na magpapadali at magpapabilis sa rehistrasyon ng mga mage-enroll.

Sabi ni Benitez, sa pamamagitan nito ay mawawala na ang mga hadlang sa mabilis na pag-access anumang oras sa nais matuto ng pagsasanay at pagpapalawak ng kasalukuyan nilang kasanayan.

Mga staff ng senador na may kasong kriminal, tagilid mawalan ng trabaho

KUNG pagbabatayan ang nakasaad sa Saligang Batas, malamang na nag-aalala na ang mga malalapit na kaanak ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na kabilang sa kanyang mga staff.

Sa ilalim kasi ng batas, ang personal at pulitikal na kawani ng senador na may kasong kriminal ay agaran na ring sinisibak sa tungkulin dahil nakadepende ang kanilang paunungkulan sa termino ng senador.

Gayunman, ang eksaktong kahihinatnan para sa mga kawani ay nakasalalay pa rin sa mga hakbang na legal at administratibo na isasagawa kaya puwede pa ring kumapit-tuko sa kanilang tanggapan ang mga kaanak ng senador na tumatanggap ng malaking sahod mula sa buwis ng taumbayan.

Sa ilalim pa rin ng batas, kung ang isang senador ay nasuspinde o nadetine, nagtatalaga ng caretaker ang pamunuan ng Senado upang pangasiwaan ang nakabimbing trabaho sa kanilang nasasakupan, pati na sa mga panukalang batas.

Puwedeng magtalaga ng mga bagong staff ang itatalagang caretaker at puwede rin namang kuhanin din ang mga staff ng senador.

Sa ilalim naman ng Section 13 ng R.A. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ang sinumang opisyal o kawani ng pamahalaan na nahaharap sa kasong katiwalian at dapat masuspinde sa kanyang tungkulin at dahil dito, hindi na siya dapat munang tumanggap ng sahod, allowance at iba pang benepisyo.

Kaya nang sabihin sa press conference ni Senator Jinggoy Estrada na hindi siya tatanggap ng sahod matapos maaresto, marami ang bumilib sa kanya gayung sa totoo lang, nakasaad naman talaga ito sa umiiral na batas.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com