Calendar
Ang salita ng tunay na kaibigan ay bitamina na nagbibigay sa ating kalakasan. Ngunit ang salita ng “pekeng kaibigan” ay lason na unti-unting papatay sa ating pagkatao (Kawikaan 27:6)
“May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway (KAWIKAAN 27:6)
MINSAN hindi lamang ang ating mga magulang ang magbibigay sa atin ng mga pangaral sa layuning para maituwid ang ating mga pagkakamali. Bagkos, pati rin ang ating mga kaibigan ay nagbibigay ng kanilang payo sa intensiyong mapabuti tayo.
Napakapalad mo kung ang mga kaibigang pinakikisamahan mo ay matinong mag-isip at ang tanging hangarin nila sa buhay ay makapamuhay ng tahimik, maayos at walang inaagrabyadong tao. Makakaasa ka na ikaw ay nasa mabuting kamay.
Kaya naman ang mga payong ibinabahagi nila sa’yo para sa pagsasa-ayos ng landas ng iyong buhay ay maasahan mong may kredibilidad at sinseridad. Tunay nga na hangarin nilang mapabuti ang iyong buhay sa halip na mapariwara ng walang kawawaan.
Samantalang ang isang kakilala na naturingan mo pa naman kaibigan subalit walang kamala-malasakit sa’yo at mistulang hinahayaan ka lamang niyang magpatuloy sa masasamang ginagawa mo ay parang isang kaaway na nais kang mapahamak.
Ang Talatang pinagninilayan natin ngayon (Kawikaan 27:6) ay nagtuturo sa atin na ang pangaral at paalala ng isang kaibigan ay malinaw na pagpapakita lamang ng kanilang malasakit at pagmamahal sa atin gaya ng pagmamahal ng isang kapatid.
Nang mabasa ko ang Talatang ito sa aklat ng Kawikaan, naalala ko ang aking matalik na kaibigan na pangalananan nating Bryan Concepcion. Si Bryan ay matagal ko ng kaibigan sa Kamara de Representantes noong pang taong 1998 bilang kapwa ko rin mamamahayag.
Si Bryan ay maipagmamalaki kong talagang “tunay na kaibigan” hindi lamang basta isang simpleng kaibigan. Bakit? Sapagkat lapat na lapat kay Bryan ang isinasaad ng Talata. Siya ang klase ng kaibigan na ipapaunawa sa’yo ang mga pagkakamali mo.
Maaaring masakit na madinig ang mga sarili mong pagkakamali. Subalit ito naman talaga ang tama. Ang matuto tayo mula sa ating mga sariling pagkakamali upang sa susunod na hindi na natin uulitin muli. Iyan ang isang tunay at tapat na kaibigan.
Subalit depende rin naman sa klase ng mga salitang sasabihin sa’yo ng itinuturing mong kaibigan. May kaibigan na kaya ka sinasabihan ay “nais ka lamang hiyain” o palitawin na wala kang kuwentang tao. Hindi na pangaral iyan kundi paninirang puri.
Ang pangangaral ng totoong kaibigan ay para ka mapabuti sa pamamagitan ng pagtutuwid ng mga pagkakamali na ginagawa mo. Ito’y nagdudulot ng positibong resulta. Ngunit kung ang mga salitang namumutawi sa bibig ng “huwad na kaibigan” ay nagdudulot sayo ng demoralisasyon. Isa lang ang intensiyon nito: Gusto ka niyang ibagsak. Magkaiba ang “pagta-tama sa pamamahiya”.
Ang pangaral ng tunay na kaibigan ay magbibigay sa’yo ng kalakasan at inspirasyon para magpatuloy. Pero ang mga salita ng “pekeng kaibigan” ay mistulang lason na pumapatay sa pagkatao mo.
KAIBIGAN O KALABAN?
Ang tunay na kaibigay ay nagmamalasakit sa’yo sapagkat ang iniisip lamang niya ay ang iyong kapakanan. Mabigat o masakit man ang mga pananalitang nadidinig mo mula sa kaniya. Subalit hindi niya intensiyon ang saktan kundi ang pagmalasakitan.
Yung mga itinuturing mong kaibigan na nakikita na nga ang mga maling ginagawa pero hinahayaan ka parin nilang magpatuloy ay lumalapat sa turo ng Talata. “Sila’y nagbibigay sa’yo ng halik ng isang kaaway”. Mistulang sinasabi nila sa’yo na: “Bahala ka sa buhay mo”. Para ka nilang unti-unting inihuhulog sa bangin.
Ang mga ganiyang klase ng kaibigan ay unti-unti kang ibinabaon at ibinubulid sa kapahamakan sapagkat kung sila talaga ay mga totoong kabigan. Sa una pa lamang ay dapat pinagsasabihan ka na mali ang ginagawa mo para maisa-ayos ang iyong buhay.
ANG PAGKAKA-IBIGAN AY DAPAT NAGMAMALASAKIT SA ISA’T-ISA:
May kasabihan na “friends can make and unmake sa person”. Kung ang mga kaibigang sinasamahan o pinakikisamahan mo ay nakakatulong sa’yo bilang tao. Sila ay masasabi natin na “mabubuting kaibigan”. Subalit kung dahil sa kanila ay unti-unti kang nasisira at napapariwara. Mag-isip isip ka.
Hindi ka nakikipag-kaibigan para masira at mapariwara ang iyong buhay. Kundi sa pamamagitan nila ay umasenso ka at maging produktibo sa Lipunang ginagalawan mo. Sa madaling salita, ang mga kaibigan mo ang nagtutulak sa’yo paitaas at hindi ka hinihila paibaba. Hindi iyan mga kaibigan kundi “kaaway”.
Alalahanin lamang natin ang ating Panginoong HesuKristo na isang tunay at mabuting kaibigan nang wikain niya na siya ang “Mabuting Pastol” (Juan 10:1-10) na nakahandang ibigay ang kaniyanbg sarili para sa kaniyang mga tupa.
“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa”. (Juan 10:11). Tulad ng isang kaibigan, hindi naman nito kailangang ialay ang kaniyang buhay, subalit ang pagpapakita lamang ng pagmamalasakit para sa isang kaibigan ay sapat na para sabihin na siya ay isang mabuting kaibigan.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon naming Diyos. Tulungan mo pa nawa kami na makatagpo ng mga totoong kaibigan na tunay na magmamalasakit sa amin habang iiwas mo nawa kami sa mga itinuturing naming kaibigan ngunit unti-unti naman kaming ipinahamak. Tulad mo na isang mabuting pastol at kaibigan. Makatagpo sana kami ng kagaya mo.
AMEN
